A Travellerspoint blog

February 2008

kahit katiting, kahit kailan

para kay ensi

aoy.jpg
hindi mo kailangang mag-alintana.
kahit katiting lang, kahit kailan.
hindi mo kailangang mag-alinlangan.
na ibuhos ang nararamdaman
at umapaw na parang ulan
magpakalunod at maging matapang
na parang hindi na muling masasaktan.
at hindi mo na kailangang mag-alintana
kahit katiting, kahit kailan man.

Posted by petiks 13:32 Comments (0)

para sa 'yo

paanong kahit hindi kita marinig ay ibinubulong ka ng hangin;
paanong kahit hindi kita masilip ay ipinipinta ka ng mga bituin;
paanong milya-milya ang pagitan natin ngunit hawak mo ang aking mga ngiti;
paanong distansya ang sa gitna'y sumisiksik subalit heto ka, tumatakbo sa aking isip?
paanong isinisigaw ng daigdig ang layo mo samantalang sa pakiwari ko,
nandito ka lang, nasa loob ng puso ko?

Posted by petiks 08:26 Comments (0)

mahal kita, walang kupas yun

z96785403.jpg

kung maririnig mo lang
kung mabibilang mo lang
ang dami ng beses
na titibok
itong puso ko
sa isang buong araw
maaari na
manggilalas ka
at marahil
hindi ka makakapaniwala
kung ilan daang libong ulit nya
binabaybay nang pahiyaw
ang iyong pangalan

Posted by petiks 08:18 Comments (0)

mind-made ghosts

overcast

Cuddle.jpg

kung may sagot lang sana ako sa bawat tandang pananong mo ay di ka na magtatampisaw sa pag-aalinlangan.

hindi ko man kayang ipaliwanag sa iyo ang lahat, gusto kong sabihing naiintindihan kita. sadya yatang dumadating ang mga sandaling humaharot ang buhay kaya't nahihilo tayo at nababalisa. hindi ka lang sanay o marahil hindi lang ako sanay na ikaw ang aligaga. madalas kasi ay sa akin nagpapasasa ang pangamba. pakiusap kong ikaw na ay pumanatag dahil hiritan mo man ako ng ilang pasikot-sikot, wala kang mapipiga -- uulit-ulitin ko lang ang pasubali kong mahal kita.

iyon din naman ang himutok ko sa mundo; kung bakit at paanong nabubuo ang ibang tandang pananong nang walang ipinapanganak na sagot.

nawari mo na bang kahit kailan hindi ko nilisan ang langit mo? hindi ba't sabay nating binibilog ang buwan nang masakyan nating mahusay ang alimpuyo ng mga alon? ano pa ba ang ibig mong matanto gayong parehas lang na paminsang sinisira ng pangungulila ang ating mga ulo; pantay lang ang mga utak natin na inaaagiw at nilulumot. kaya sumasamo akong huwag ka magpapagupo. mabangis man ang espasyong masalimuot at kahit pa pinapraning din ng panahon.

para sa iyo, nagtatapangtapangan akong hinahamon itong buong uniberso.

Posted by petiks 00:16 Archived in Philippines Comments (2)

tungkol sa 'yo

-17 °C

aoy.jpg
sa totoo lang nakailang pilas na ako ng papel. pudpod na din ang tasa ng lapis. puno na ang utak kong gusto nang humimbing ngunit bago ako mahimlay ilalabas ko itong umaapaw sa isip. nakapagtatakang kahit ilang daang tula at sanaysay o kahit pa simpleng pangungusap na ang naialay sa'yo ay di yata ako mauubusan ng sasabihin, sapagkat taglay mo ang kapangyarihang akitin ang diwa kong milyong parilala ang nais iparating. kahit ilang salita pa ang sa puso ko'y magsumiksik, iisa lang ang damdamin na kanilang ipinahihiwatig.

mahal kita at dahil sa'yo ay nagkakaroon ng katuturan ang mga ordinaryong titik at nagkakabuhay ang bawat paghalik ng lapis sa papel.

***the perfect words never cross my mind, 'coz there was nothing in there but you***

Posted by petiks 00:08 Archived in Philippines Comments (1)

(Entries 11 - 14 of 14) Previous « Page 1 [2]