pangkasalukuyang masokismo
9.6.08
sa ngayon --
dadamahin ko muna nang lubos
ang sakit ng wala ka na
hahayaan ko munang maubos
ang pagpatak nitong luha
kahit naman magtago at hindi magpakita
pinupuno rin ng unos
ang puso ko at ang diwa.
magpapatangay ako sa agos
ng malupit na tadhana
di minsan nang dumausdos
isang baliw, isang tanga
malayo naman akong malagutan ng hininga.
nanamnamin ko muna ng husto
ang lamig ng iyong pamamaalam
ang pagbitak ng puso ko
gusto ko munang masaksihan.
magpapakalunod muna ako
ngayon sa aking kabaliwan
hahayaan muna ang mundo
mapuno ng lugmok at kalungkutan
kakayanin ko muna ang ganito
hanggang wala nang maramdaman
baka bukas, paggising ko
napagod na ako ng tuluyan.
Posted by petiks 21:01 Archived in Philippines