A Travellerspoint blog

i love you

para sa pinakamamahal ko

semi-overcast

z102134977.jpg

hindi naman siguro ako mumurahin ng buong mundo kung milyong beses kong sabihin at sa iba't ibang paraan ko aaminin kung gaano kita kamahal. mahal kita, walang kupas yun!

Posted by petiks 04:16 Archived in Philippines Comments (0)

hiyaw

para kay ensi (uleet)

ensitots2.jpg
kung maririnig mo lang
kung mabibilang mo lang
ang dami ng beses
na titibok
itong puso ko
sa isang buong araw
maaari na
manggilalas ka
at marahil
hindi ka makakapaniwala
kung ilan daang libong ulit nya
binabaybay nang pahiyaw
ang iyong pangalan.

Posted by petiks 07:30 Archived in Philippines Comments (0)

kung bakit ako paranoid

emptiness_..emencia.jpg
dahil natatakot na ako -
natatakot nang malumbay
natatakot na akong manlumo,
nakakapagod nang mamatay.

nakakapagtaka rin siguro
para namang hindi ako nasanay.
hindi naman ako dating ganito
ayoko na namang sumablay.

wala sa iyo ang problema
masyado lang akong mag-isip
masyado lang akong madrama
malikot ang isip at makulit.

dahil natatakot na ako –
siguro ay naduwag na.
kapag pumalpak pa ako dito
mababaliw na akong bigla…

Posted by petiks 07:01 Comments (0)

yosi

11.05.2007. (http://www.pinoyunderground.com/showthread.php?t=15571&page=20)

cigarette.jpg
kaya ko kayang hindi muna mahumaling sa iyo?
kaya ko kayang wala ka muna sa sistema ko?
kaya ko kayang pigilan at labanan ang pagkagiyang?
kaya ko kayang hindi patulan ang pagkahiyang?

kaya ko kayang kalimutan sumandali
ang kinang at akit ng iyong sindi?
kaya ko kayang hindi muna dumampi
sa iyong tamis ang halik ng aking mga labi?

kaya ko kayang umiwas sa iyong gayuma?
kaya kayang hindi maakit kapag ika'y nakikita?
kaya ko kayang pigilan ang damdamin?
na mahulog na naman sa iyong lalim at bangin?

Posted by petiks 06:57 Comments (0)

patay-sindi

heart_on_f..re_krow.jpg
patay-sindi
na para bang kidlat sa akin ay gumuguhit
at sa langit ang buhos ng ulan ay tumitindi

patay-sindi
itong sumpong sa utak kong pinipilit
na amuhin ay lumalaban at humihindi

patay-sindi
ang damdamin kong nanggagalaiti sa galit
sinasadyang saliwan at sabayan pa ng sakit

patay-sindi – hindi ko rin mawari kung bakit
mas nanaisin ko na lamang mamatay
ang lagablab ng puso kong pinapaso ako sa init

Posted by petiks 06:51 Comments (0)

palaban

-17 °C

hindi magigitla hanggang may hiwaga ang dapithapon
at hanggang may mga tala sa langit ay hindi sumusuko
sinasabi mo lang na nakakapagod
pero ang pagtantya'y di kailanman matatapos.

milyon na ang butil na iyong iniluha
di matatawaran sinuong na ulan
balot man ng agam-agam, di ihihinto ang pag-usad
kahit ano ang humarang, sige ka lang sa pagpiglas.

pang-ilan beses mo nang umasam?
mga nalibing na pangako sa iyo'y di mabilang
kung minsan, pinapatikim at pinasasabik lamang sa wala
bakit patuloy kang sumusuntok sa buwan?

kaya mo pa kaya?

Posted by petiks 06:31 Comments (0)

kahit katiting, kahit kailan

para kay ensi

aoy.jpg
hindi mo kailangang mag-alintana.
kahit katiting lang, kahit kailan.
hindi mo kailangang mag-alinlangan.
na ibuhos ang nararamdaman
at umapaw na parang ulan
magpakalunod at maging matapang
na parang hindi na muling masasaktan.
at hindi mo na kailangang mag-alintana
kahit katiting, kahit kailan man.

Posted by petiks 13:32 Comments (0)

para sa 'yo

paanong kahit hindi kita marinig ay ibinubulong ka ng hangin;
paanong kahit hindi kita masilip ay ipinipinta ka ng mga bituin;
paanong milya-milya ang pagitan natin ngunit hawak mo ang aking mga ngiti;
paanong distansya ang sa gitna'y sumisiksik subalit heto ka, tumatakbo sa aking isip?
paanong isinisigaw ng daigdig ang layo mo samantalang sa pakiwari ko,
nandito ka lang, nasa loob ng puso ko?

Posted by petiks 08:26 Comments (0)

mahal kita, walang kupas yun

z96785403.jpg

kung maririnig mo lang
kung mabibilang mo lang
ang dami ng beses
na titibok
itong puso ko
sa isang buong araw
maaari na
manggilalas ka
at marahil
hindi ka makakapaniwala
kung ilan daang libong ulit nya
binabaybay nang pahiyaw
ang iyong pangalan

Posted by petiks 08:18 Comments (0)

mind-made ghosts

overcast

Cuddle.jpg

kung may sagot lang sana ako sa bawat tandang pananong mo ay di ka na magtatampisaw sa pag-aalinlangan.

hindi ko man kayang ipaliwanag sa iyo ang lahat, gusto kong sabihing naiintindihan kita. sadya yatang dumadating ang mga sandaling humaharot ang buhay kaya't nahihilo tayo at nababalisa. hindi ka lang sanay o marahil hindi lang ako sanay na ikaw ang aligaga. madalas kasi ay sa akin nagpapasasa ang pangamba. pakiusap kong ikaw na ay pumanatag dahil hiritan mo man ako ng ilang pasikot-sikot, wala kang mapipiga -- uulit-ulitin ko lang ang pasubali kong mahal kita.

iyon din naman ang himutok ko sa mundo; kung bakit at paanong nabubuo ang ibang tandang pananong nang walang ipinapanganak na sagot.

nawari mo na bang kahit kailan hindi ko nilisan ang langit mo? hindi ba't sabay nating binibilog ang buwan nang masakyan nating mahusay ang alimpuyo ng mga alon? ano pa ba ang ibig mong matanto gayong parehas lang na paminsang sinisira ng pangungulila ang ating mga ulo; pantay lang ang mga utak natin na inaaagiw at nilulumot. kaya sumasamo akong huwag ka magpapagupo. mabangis man ang espasyong masalimuot at kahit pa pinapraning din ng panahon.

para sa iyo, nagtatapangtapangan akong hinahamon itong buong uniberso.

Posted by petiks 00:16 Archived in Philippines Comments (2)

(Entries 51 - 60 of 61) « Page 1 2 3 4 5 [6] 7 »